ANG HIWAGA NG BARYO MAYOBOC - Ikalawang Yugto

 


“Ang Pagkawala Ni Mai Sa Nayon”
(Ikalawang bahagi ng Hiwaga ng Baryo Mayoboc)

Madalas na nagtutungo ang batang si Mai sa misteryosong kagubatan at nakikipagkita sa mahiwagang mariposa upang masaksihan ang kapangyarihan ng ilog. Napansin ito ng kaniyang inang si Flora. Sinundan niya ang walang-muwang na anak sa kagubatan at doon nasaksihan ang pakikipagkita nito sa mariposa.

Naramdaman ng mariposa ang pag-iral ng ina ng bata kaya tinaboy niya ito upang malibang “Mai, puntahan mo ang ilog at iyong aliwin, marami pang kayang ipakita sa iyo ang ilog batay sa laman ng iyong puso.”

Nang lumisan ang bata, ginulat ng mariposa si Flora. Nag-usap sila na tila ba matagal nang magkakilala. Natanaw ni Mai mula sa malayo ang pag-uusap ng dalawa. Nang kaniya itong lapitan tumalilis ang mariposa. Agad namang inakay ni Flora si Mai pabalik ng bahay nang walang anumang salita na binitiwan.

Kinubukasan, nagulantang ang nayon sapagkat walang presensya ni Mai ang sa maghapon ay nagpakita. Labis ang kalungkutan ng mga magulang nito. Hindi naman nag-atubiling nagtungo ang mag-asawa sa gitna ng gubat malapit sa ilog. Isang malakas na tinig ang narinig ng mag-asawa. “Ang batang inyong hinahanap ay nasa paligid lamang, ito ay paalala sa inyong kalapastangan sa diyos.”

Nang nawala ang boses, sumulpot ang mga bulaklak sa gilid ng ilog. Wala itong kasingganda na lalong nagpalitaw sa ganda ng ilog. Naisip ng mag-asawa ang anak na si Mai.

Labis naman ang paghingi ng tawad ni Flora sa diyos. Sa unang pagkakataon muli siyang nakipag-ugnayan sa diyos. “Isusuko ko ang bahid ng anumang pagpapaalala sa aking kasalanan. Mabura ko lang ang hindi magandang larawan na dulot ko sa kaharian ni bathala.”

Nagpakita ang bathala sa mag-asawa kasabay ng malalakas na pagkulog at pagkidlat, ang diyos ay nagwika, “Flora, nimpa ng pagyabong, dahil sa iyong mga maling desisyon, simula ngayo’y mabubura ang lahat ng ugnayan mo sa dati mong buhay”.

Isang maliwanag na ilaw mula sa langit ang nagpasilaw sa kanila. Pagbalik ng kanilang paningin, muling nakita ang batang si Mai na naglalaro sa pampang ng ilog. Bago tuluyang mawala ang liwanag, narinig pa ng ni Flora ang tinig ng diyos.

“Darating ang panahon na mapagbabayaran mo ang iyong kasalanan. Hayaan mong ang panahon ang bumawi nito sapagkat walang kasalanan ang hindi pinagbabayaran”.

“Alagaan mo ang iyong anak, sa tubig siya’y mananahan, katulad sa damdamin niya’y inyong aalagaan” wika pa nito.

Isang hangin ang tumangay sa mag-anak pabalik sa gubat malapit sa kanilang tahanan, bago umalis ang hangin tila yumakap pa ito kay Flora. Mula noo’y hindi na kailanman nila nakita ang misteryosong gubat.

Sa ibaba naman ng munting bundok na kinatitirikan ng kanilang bahay ay may mahabang ilog na biglang sumulpot. Ito ang naging paalala kay Flora at sa asawa nito tungkol sa sinabi ni bathala. Ipinagpalagay rin ng mag-asawa na ang ilog na ito ay kaugnay pa rin sa mahiwagang ilog sa misteryosong gubat, lalo pa’t napansin nilang umiinog ang kulay at sigla nito sa damdamin ng kanilang anak na si Mai.

Kaya para sa mag-asawa ang ilog na ito ay simbolo ng isang mayabong na puso ng kanilang anak mula sa mga diyos at paalala ng pagsunod nila.

Mula noon, pinangalagaan nila ang ilog sa takot na muling mawala ang anak at nanatiling tikom ang bibig sa likod ng mga pangyayaring naganap sa buhay nila at sa buhay ng anak na si Mai. 


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento