TUNGKOL SA PAHINA

 


Ang MARLIKHAIN ay ang kalipunan mga akdang pampanitikan na bunga ng isip at damdamin ng sumulat. Ito ay mga karanasan na naisatitik batay sa kaniyang pagmamasid sa kaniyang kapaligiran at pagkamalikhain ng kaniyang malikot na imahinasyon.

Laman ng pook-sapot na ito ang iba't ibang genre ng panitikan tulad ng tula, sanaysay, maikling-kuwento, nobela, dula, alamat, epiko, mito at iba pa, na sinadyang buohin upang salaminin ang kultura ng lugar (Pitogo, Quezon) na ginagalawan ng may-akda.

Laman din ng pook-sapot na ito ang ilang akda mula sa ilang sanggunian na isinaayos at iniakma sa pangangailangan ng may-akda.

Naniniwala ang may-akda na ang panitikan ay may malaking ambag hindi lamang sa kultura ng pinagmulan nito maging sa kaganapan ng pagkatao ng manunulat at ng mga mambabasa.

Dahil sa mga karanasan ng may-akda at dahil sa kaniyang mga obserbasyon sa kaniyang paligid naitatala niya sa pamamagitan ng pagsulat ng panitikan ang mga totoo o posibleng mangyari at nangyayari sa mundo. Ang mga karanasang ito ay maaaring maging salukan ng kaalaman ng mga mambabasa. Bukod sa kaalaman na dulot nito, nakapagbibigay din ito ng aral na maaaring mapulot ng mambabasa upang magamit niya sa pagpapatuloy ng kaniyang buhay sa mundo.

Ang kaalaman na hatid ng mga karanasan ng manunulat sa panitikan ay DUNONG para sa mga mambabasa at ang aral mula rito ay MALASAKIT para sa kanila. Kapag tuluyang natutuhan at naunawaan ng mambabasa ang mensahe ng panitikan mula sa karanasan ng manunulat, tatanggapin niya ang DUNONG at MALASAKIT na magtuturo naman sa kaniya kung paano maging isang GANAP NA TAO.

Ang KAGANAPAN NG isang TAO o ng kaniyang PAGKATAO ay makikita lamang kung taglay niya nang magkasama ang KARUNUNGAN at PAGMAMALASAKIT.

Ito ang handog ng Panitikan sa atin.

Mar Z. Holanda
May-akda
12 May 2020 https://sites.google.com/view/marlikhain/home

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento