DAGLI | Ako’y Hindi Makasalanan Ako
Ako’y Hindi Makasalanan Ako
Dagli ni Mar Z. Holanda | January 21, 2024
Maligayang Kapyestahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo
Apostol! Ako si Mar, nakatira sa Pitogo, bayang kinanlong ni San Pablo Apostol.
Matagal-tagal na akong hindi nakadadalo at nakaaawit sa misa simula nang
magpandemya.
Ilang araw na lang pyesta na, halos araw-araw rin akong
nagdarasal at humihingi ng tawad dahil sa hindi ko pagsisimba. Nakakapagod ang
araw na ito, galing kami sa kabilang bayan at namili ng paninda. Kaninang umaga
bago kami umalis nagdasal nanaman ako at nangako sa Diyos na sisimba sa araw na
ito, Linggo nga pala ngayon.
Pasado alas dos nang kami ay makauwi. Sa sobrang pagod napahiga
ako sa aming kama. Bigla-biglang nagbago ang aking paligid. Nakaharap na ako sa
isang lumang simbahan. Kasama ko ang dalawang kakilalang pari. Nakakatakot ang pasukan
ng simbahan may mga nakabantay na demonyo. Nanlilisik at mapupula ang mga mata,
malalaking sungay sa ulo, kulubot na mukha, matitilos na mga kuko at mahabang
buntot. Bawat dumaraan ay kanilang hinahablot at nais isama kung saan.
Nagtataka ako sa dalawa kong kasama waring hindi nila
nakikita. Unang pumasok si Pader Jay, deri-deritso lamang siya na parang wala
lang. Tumingin ako kay Pader Billy, ang sabi lang niya kung wala akong
kasalanan huwag akong matakot at makatatawid ako. Lumakad na siya at nakatawid din
na tila hindi pinakikialaman ng mga nakabantay na diyablo.
Sinubukan kong pumasok at agad na sumalubong sa akin ang mga
nakakatakot na bantay. Hinihila nila ako, kinakalmot at pinag-aagawan.
Nagising ako sa ingay ng katok sa pinto.
Ang pamangkin ko.
Pinagalitan ko siya, dahil kabilin-bilinan ko sa kanilang
huwag akong iistorbuhin kapag ako’y nagpapahinga. May naghahanap daw sa akin. Kahit
hindi maganda ang gising ko, pinilit kong bumaba para tingin kong sino ang
naghahanap. Bumungad sa aking ang Niño Hesus na dala ni sister. Nagpapahalik
sila sa imahen. Biglang sumagi sa isip ko ang pagsisimba. Tumingin ako sa
orasan at sampung minuto na lang magsisimula na ang misa. Parang ginising ako
ng Diyos dahil sa aking pangakong sumimba. Agad-agad akong naghanda at nagmadaling
dumalo nang misa.
Salamat sa Diyos at lagi niya akong pinaaalalahanan.

Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento
Salamat sa inyong pagkomento :)