ANG HIWAGA NG BARYO MAYOBOC - Ikaapat na Yugto

 


Ang Pagsubok sa Pag-ibig ni Mai at Hayo: Ang Alamat ng Mayoboc
(Ikaapat na bahagi ng Hiwaga ng Baryo Mayoboc)

Panahon ng paganismo, panahong naniniwala sa iba't ibang diyos at diyosa ang mga tao, sa bulubundukin ng Quezon malapit sa ilog, may isang magandang babae na nagnangangalang Mai. Kasama ng kaniyang mga magulang madalas nakikita si Mai na tumutulong sa bukid at maging sa pangingisda ng kaniyang ama. Kilala si Mai sa baryo dahil sa taglay nitong kagandahan na tila bulaklak sa umaga na may nangungusap na mga mata, kaya nga halos hindi mahulawan ng humaharanang manliligaw tuwing gabi ang kanilang tahanan.

Isang araw bago mangisda ang kaniyang ama, nag-ayuno muna ito sa diyos ng tubig para sa magandang huli. Mainit ang panahon at halos matuyo ang lupa kaya sa pangingisda umaasa ang mga tao sa baryo. Sa pampang ng ilog malapit sa kanilang baryo kung ganitong panahon madalas nakikita niya ang isang lalaki na umiikot sa kahabaan ng ilog. Hindi naman n'ya nakikita ang mukha nito ngunit banaag sa tindig nito ng pagiging matipuno at kakisigan ng isang lalaki. Pagkatapos ng tag-init ang lalaki ay hindi na magpapakita at muling babalik sa kasunod na tag-init. Kaya may usap-usapang ang lalaki sa ilog ay isang engkantado.

Hindi naman nagkakamali ang mga nasa baryo dahil ang lalaking tinutukoy nila ay isang diyos na nangangalaga sa mga ilog at iba pang tab-ang na tubig. Ang diyos na ito ay si Hayo, diyos na may kakayahang makipag-usap sa mga nilalang sa ilalim ng tubig. Siya ang inatasan ng kaniyang ama na diyos ng karagatan upang tulungan ang mga tao na mapanatiling masagana ang huli sa tubig sa lahat ng panahon.

Si Hayo ay isang beses sa isang taon kung bumisita sa lupa, batid ng mga diyos na sa panahon ng tag-init hindi nila maaasahan ang lupa upang magbigay ng magandang ani. Kaya tinutumbasan nila ito ng pagkasagana sa karagatan at mga ilog. Matapos masigurong may sapat na isda ang tubig bumabalik na si Hayo sa kaharian, sakay ng maugong na barko na dumadaan sa ilalim ng lupa. Walang laya si Hayo dahil tumatalima siya sa utos ng kaniyang ama, kaya sa tuwing siya'y lumalabas ng kaharian siya'y pinatatanuran pa sa mga bantay-diwatang nag-aanyong gansa at nagkukulay ginto.

Sumapit na muli ang tagsangit, muling inutusan ng diyos ng karagatan si Hayo na bisitahin ang mga ilog at tubig tab-ang, sakay ng maugong na barkong may ulo ng gansa sa unahan nito, narating nila ang baryo nina Mai at lumabas sila sa puno ng kalatsutsi. Ito ang nagsisilbing lagusan ng mga diyos mula sa kabilang dimensyon ng mundo. Katulad ng dati tanod ni Hayo ang dalawang gansang nag-aanyong ginto.  

Ilang araw na rin nagpapalinga-linga si Mai sa mahabang ilog upang abangan kung magbabalik ang misteryosong lalaki. Nang araw ring iyon nakita niya ito muli sa tabing ilog. Sinubukan ni Mai itong puntahan at akmang kausapin upang mapatunayan ang mga haka-haka sa baryo.

Lingid naman sa kaalaman ni Mai siya ay palihim na ring nasusulyapan ni Hayo sa mga nakalipas nitong dalaw sa lugar. Humahanga na si Hayo sa kagandahan ng dalaga noon pa man ngunit pinipigilan niya ito dahil sa kaniyang kalagayan.

“Ipagpaumanhin mo ginoo, ngunit tuwing tagsibol ay nakikita kita sa lugar na ito, ikaw ba ay isang dayo?” tanong ng dalaga sa nakatalikod na diyos.

Dahan-dahang humarap ang binata at sa unang pagkakataon nakita ni Mai ang mukha ng binata sa malapitan. May naramdaman siyang kakaiba na tila matagal na silang magkakilala.

“Ako ay hindi isang dayo, ako ang diyos na nangangalaga sa ilog na ito. Naparito ako upang panatilihing masagana ang buhay sa tubig.” Bunyag ni Hayo sa dalaga.

Napaluhod naman si Mai, at nagbigay-puri sa kaharap.

“Tumayo ka, napakaganda mo para sa isang mortal. Marahil ang mga magulang mo ay nagmula sa lahi ng mga pinupuring nilalang sa mundo.” pahayag pa ng diyos.

Naging magkaibigan ang dalawa, nagpalitan ng mga kuwento tungkol sa kanilang mga buhay at lumalim pa ang ugnayan sa kabila ng kanilang magkaibang mundo.

Taon-taon laging nagkikita ang dalawa sa pampang ng ilog. Saksi ang ilog sa kanilang pagkapalagayan ng loob hanggang sa humantong ito sa isang malalim na pag-ibig.

“Panginoon, hindi matutuwa ang iyong ama kapag nalaman niya ang relasyon mo sa isang taga-lupa. Tiyak pati na kami mapapahamak!” sambit ng isang gansang diwata kay Hayo habang binabagtas nila ang ilalim ng lupa patungo sa kalatsutsing lagusan.

“Hindi niya malalaman kung hindi kayo magsusumbong” pangongonsesyang pahayag nito sa dalawa.

Natigilan naman ang mga tanod na diwata sapagkat ngayon lang din nilang nakita ang diyos na masaya. Buong buhay nito ay sumusunod lamang sa kaniyang ama. Kaya hinayaan ng mga diwatang nag-aanyong gansa si Hayo at nanatiling tikom ang bibig sa kanilang panginoon, na diyos ng karagatan sa abot ng kanilang makakaya.

Malawak ang kapangyarihan ng diyos na ama ni Hayo kaya ramdam nito na may itinatago ang anak. Inutusan nito ang isa pang anak na si Indra na siyasatin ang kapatid. Si Indra ay mas panganay kay Hayo. Siya ay naninibugho sa kapatid dahil higit na pinagkakatiwalaan ng amang diyos ang bunsong kapatid lalo pa’t mas binigyan ng malawak na pinangangalagaan ang lalaking diyos kaysa sa kaniya na nakatalaga lamang sa isang munting lawa ng taal na pinamumugaran ng mga nilalang sa dagat upang magparami. Hindi siya masaya rito sapagkat bukod sa maliit ang lugar nagsasawa siya sa mga nilalang dito na paulit-ulit niyang nakikita.

Samantala, patuloy sa pagkikita sina Mai at Hayo, maaaninag naman sa ilog ang kaligayahan ni Mai na buhay na buhay at sintingkad ng kulay ang damdamin ng dalaga. Kasabay rin nito ang mga isdang tumatalon-talon sa kalinawan ng tubig ng ilog na alinsabay sa talon at bugso ng pusong tuwa-tuwa ng diyos na si Hayo.

Habang nagdiriwang ng pag-ibig ang dalawa sa kabilang dako ay nagmamasid ang isang mortal na may malaking pag-ibig kay Mai. Siya si Yuda na kapit-bahay nina Mai sa baryo. Matagal na siyang umaawit sa bintana nina Mai upang hingin ang pag-ibig nito ngunit hindi siya pinapansin ng dalaga.

Matagal na rin siyang nanalangin sa diyos na si Pilo, diyos ng pag-ibig na paibigin ang dalaga sa kaniya.

Isang araw napadpad si Yuda sa lugar ni Indra para mangisda. May usap-usapan sa baryo na sa isang misteryosong lawa may nakatagong kayamanan at masagana ang lamang dagat. Nang makarating ang pangkat nina Yuda sa lawa ni Indra, nakita nila ang ganda ng lawa. Ngunit hindi pa sila nagtatagal naramdaman nila ang malalaking alon at malalakas na hangin dulot ni Indra. Galit na galit ang diyosa sa pagtungtong ng mga ito sa kaniyang kaharian. Nalunod ang lahat ng kasamahan ni Yuda at siya lamang ang natira.

Nagmakaawa ang mortal sa diyosa na siya ay huwag patayin.

“Buhayin mo ako panginoon, lahat ng ipagagawa mo ay susundin ko”. Pagmamakaawa ni Yuda.

Napag-alaman ni Indra kung saan nakatira ang mortal kaya naisip niyang maging mata ang mortal sa pinagagawa ng kaniyang ama.

Nagkasundo ang dalawa at simula noon, sapagkat hindi basta-basta makaalis si Indra sa lawa si Yuda ang naging mata nito sa kapatid at kasintahan nitong isang mortal.

Ibinalita naman ni Indra sa ama lahat ng ginagawa ni Hayo sa lupa at ang tungkol sa pag-iibigan nila ni Mai. Galit na galit ang diyos ng karagatan.

Nakipagpulong ang diyos ng karagatan sa kaniyang kapatid na si Bathala, diyos ng lahat ng diyos at tao. Ipinaalam nito ang lagayan ng anak sa lupa. Sa simula pa lang hindi na pinahihintulutan sa tuntunin ng diyos ang pag-ibig ng isang mortal sa isang diyos.

Hindi naman na nagulat ang Bathala, batid niyang mangyayari ito.

“Panahon na upang mapagbayaran ng tao ang kanilang kasalanan sa diyos.” Sambit lang ni Bathala.

Sa lupa, habang masayang tumatakbo ang magkasintahan sa pampang ng mahabang ilog biglang dumilim ang kalangitan.

Agad naman nagtungo ang mag-asawang Flora at Aniago sa ilog upang sunduin ang anak. Nagalit si Aniago sa nakita. Alam ng mag-asawa sa unang pagkakita kay Hayo, isa itong diyos. Labis ang takot ng mag-asawa dahil tiyak na ang pagdilim ng kalangitan ay sinyales ng paniningil ng mga diyos sa langit.

Mahigpit na naghawak kamay ang magkasintahang Mai at Hayo. “Walang sinuman ang makapaghihiwalay sa atin. Ano man ang pagsubok na ibigay sa atin ang aking puso ay mananatiling sa’yo at pilit na uugnay sa’yo”

Pilit na pinahihiwalay ni Aniago ang dalawa bago pa tuluyang magalit ang diyos sa langit.

Unti-unti nang lumalakas ang hangin at sunod-sunod ang ungol ng langit. Sa gitna ng kaguluhan. Biglang dumating si Yuda bitbit ang punyal na bigay sa kaniya ni Indra, ang punyal na hawak niya ay kayang pumatay sa isang diyos.

Biglang sumugod si Yuda patungo kay Hayo upang itarak sa diyos ang punyal. Inakala ni Flora na mapapahamak ang anak na si Mai kaya pinigilan nito si Yuda.

Sa pagpigil ni Flora kay Yuda, ang punyal na hawak nito ay naitarak sa kaniya. Muli pa nitong sasaksakin ang dating nimpa, ngunit agad namang nasaksak ni Aniago ng kaniyang tabak ang masamang mortal. Nahulog ito sa ilog, at inutusan ni Hayo ang mga sirena na dalhin sa pinakamalalim na bahagi ang dagat ang katawan ni Yuda at ipakain sa mga pating.

Habang naghihingalo si Flora, nilapitan siya ni Mai at labis ang kalungkutan nito. Nagdilim ang ilog kasabay ng pighati ng dalaga.

Biglang nagpakita ang Bathala. “Dumating na ang panahon para pagbayaran mo ang iyong kasalanan. Ang lahat ng kasalanan ay dapat na pagbayaran”. Wika ng Bathala.

“Ang anak ninyong si Mai ang magiging kabayaran ng inyong kasalanan.” Dagdag pa nito.

Hindi naman pumayag si Hayo at sinubukang ipagtanggol ang dalaga. Ngunit maging siya ay isinumpa ng diyos ng langit.

“Ikaw Hayo, diyos ng mga ilog at tubig tab-ang, kailanman ay hindi ka na makatutungtong sa lupa. Bibilanguin ka sa ilog na ito habang-buhay” Biglang naglaho si Hayo at boses lamang nito ang naririnig mula sa mahabang ilog.

“Panginoon, alam kong malaki ang kasalanan ko sa inyo at hindi ako karapat-dapat sa inyong awa. Ngunit hinihiling ko na tulungan ninyo ang aking asawa” hiling ni Aniago sa diyos.

Natigilan ang diyos. Bigla itong tumingin sa langit. Pagbalik nito ng tingin sa tao, isang malakas na hangin ang paparating. Binuhat ng hangin si Flora at dinala sa kawalan.

“Ang iyong asawa ay babalik na sa kaniyang buhay, itutuloy niya ang kaniyang sinimulan sa piling ni Habagat.” Paliwanag ng diyos kay Aniago.

Hindi naman na tumutol si Aniago at tinaggap ang kapalaran upang mailigtas ang asawa sa kamatayan.

“At ikaw naman Mai, ang iyong mayabong na puso ang siyang magbabayad sa kasalanan ng iyong mga magulang at ang pag-ibig mo kay Hayo ang magiging paalala sa tao na hindi dapat nilalapastanganan ang utos ng diyos. Simula sa araw na ito ikaw ay magiging isang bulaklak sa piling ng iyong pag-ibig at pagsubok sa lugar na ito.” Naging mumunting bulaklak sa pampang ng ilog ang dalaga.

“Mai, Hayo at Pagsubok, ito ang itatawag mo sa ilog na ito. Ito ang magpapaalala sa iyo sa lahat ng pagsubok na naranasan mo sa Mayabong na Puso (Mai) at Masaganang Ilog (Hayo) dulot ng pag-ibig na humantong sa kalapastangan ng tao sa diyos.” Malakas na habilin ng Bathala kay Aniago bago tuluyang umalis.

Lumipas ang panahon, sa pagpapatuloy sa buhay ni Aniago bilang lider ng kanilang pamayanan ang paulit-ulit na pagsambit ng “Mai, Hayo at Pagsubok” ay tumatak sa mga tao, kalaunan ito ay naging Mayobok na siyang itinawag na rin sa buong baryo.

Sa kasalukuyan, makikita pa rin sa lugar ang mga mumunting bulaklak na si Mai sa paligid ng pampang ng ilog kung saan ikinulong si Hayo. Tuwing tag-init lumalabas ang mga bulaklak at humahalik sa tubig ng ilog. Ipinagpapalagay ng mga tao na si Mai (Ang mayabong na mga bulaklak) ay nagpapamalas ng kaniyang pag-ibig kay Hayo (Masagang Ilog). May mga pagkakataon din sa kasalukuyan na naririnig pa rin ang tunog ng malakas na ugong ng barko sa ilalim ng lupa, at ang dalawang gansang-ginto na nagpapauli-uli sa lugar na nawawala sa puno ng kalatsutsi ay nakikita. Ito ay nangangahulugang pinababantayan pa rin ng diyos ang lugar na ibinilin niya sa mortal na si Aniago. 

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento