ANG HIWAGA NG BARYO MAYOBOC - Ikatlong Yugto
“Ang Kasalanan ni Flora”
(Ikatlong bahagi ng Hiwaga ng Baryo
Mayoboc)
Tanghaling-tapat
sumilong ang mag-asawa sa ilalim ng malaking puno upang magpahinga mula sa
mainit na pagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw. Tanaw naman sa malayo si Mai
mula sa kabilang puno ng kalatsutsi malapit sa ilog. Masaya siyang naglalaro
kaya bakas sa ilog ang linaw ng tubig at repleksiyon ng mga dahon sa paligid,
napakaganda.
Nagtinginan
ang mag-asawa. Tila iisa ang iniisip.
“Hindi ko
lubos maisip na ang ating anak ang pagbuntunan ng diyos sa ating kasalanan”
simula ni Aniago.
“Kung maaari
ko lamang kumbinsihin ang mga diyos na ako na lamang ang kunin nila, gagawin
ko.” malungkot na wika ni Flora.
Sabay na
inalala ng mag-asawa ang simula ng kanilang pag-iibigan.
Si Aniago ay
isang mortal na itinuturing na lider ng kanilang baryo. Marami na siyang
nagaping kalaban na nais manggulo sa kanilang pamayanan. Mga katutubo mula sa
ibang tribo, mga dayong manlalakbay, maging mga masasamang espiritu at nilalang
na pagala-gala sa kanilang lugar.
Isang araw,
isa sa anak ng kanilang kanayon ang kinuha ng isang tikbalang at ayon sa
kanilang babaylan, mangagamot ng kanilang lugar at may kakayahang kumausap sa
mga espiritu, ang bata ay dinala ng tikbalang sa itaas ng puno ng pilaway na
matatagpuan sa gitna ng kagubatan.
Agad
pinuntahan ng pangkat nina Aniago ang gubat, at nakipagbuno sa tikbalang.
Matagumpay naman nilang nabawi ang batang tinangay ng tikbalang. Sa kanilang
pag-uwi tila natigilan si Aniago nang may marinig siyang hikbi ng isang babae.
Pinauna na niya ang mga kasama at hinanap kung saan nagmumula ang hikbi.
Napadpad siya
sa lugar na napakaraming bulaklak, iba-iba ang sukat at kulay. Makikita rin sa
lugar ang mayayabong na halaman at puno. Nakita niya ang isang napakagandang
babae.
“Ano ang
iyong problema, dilag?” tanong ni Aniago sa dalaga.
Nagulat naman
ang dalaga. “Ako si Aniago, narinig ko ang iyong paghikbi, huwag kang matakot.”
“Ako si Flor,
ang tagapangala sa lugar na ito, hindi ka maarapat na naririto.” sagot ng diwata.
Si Flor ay
isang nimpa o mababang uri ng diwata na nangangala sa pagyabong ng mga bulaklak
at iba pang mga halaman.
“Ako’y hindi
magtatagal, gusto ko lamang malaman ang dahilan ng iyong kalungkutan. Hindi
naman yata maganda sa tulad kong ginoo ang pabayaan ang isang napakagandang
dilag sa gitna ng gubat na umiiyak”.
Nakaramdam ng
pag-ibig ang dalaga, tila natagpuan niya ang lalaking magliligtas sa kaniya.
Nagsimulang
magkuwentuhan ang dalawa at lumalim ang ugnayan. Nalaman ni Aniago na ang
dahilan ng pag-iyak ng dalaga ay dahil sa nakatakda nitong pag-iisang dibdib sa
hindi niya iniibig. Ipinagkasundo siya ng mga diyos sa diyos ng hangin na si
Habagat. Nasa tuntunin ng mga diyos na marapat na ang mapangasawa ng mga diwata
ay kapwa nila diwata o mga diyos. Dahil sa angking kagandahan ni Flor na tulad
sa mga bulaklak na kaniyang inaalagaan nabihag ang puso ng diyos ng hangin.
Hiniling ni
Habagat kay Bathala, diyos ng lahat ng diyos at tao na ikasal siya kay Flor na
nimpa ng pagyabong. Agad namang nagtakda ang bathala at ipinamalita sa kaharian
ng diyos ang pag-iisang dibdib ng dalawa.
Hindi ito
matanggap ni Flor dahil hindi taglay ni Habagat ang mga katangian na nais ng
diwata sa kaniyang mapapangasawa. Ngunit kailangan niyang sundin ang diyos ng
langit dahil parurusahan siya ng mga ito kung hindi siya tatalima.
Nang malaman
ito ni Aniago, lakas-loob niyang niyaya ng kasal ang diwata.
“Batid kong
wala akong laban sa mga diyos, ngunit kaya kong harapin ang anumang ibigay nila
sa akin, makasama lamang kita.” sambit ng binata.
Bagamat
nangangambang sumama si Flor kay Aniago dahil sa maaaring kaparusahan ng diyos
sa kanila. Nanaig ang pag-ibig sa dalawa at itinuloy ang pagtakas. Nagtungo
sila sa babaylan upang bigyang proteksyon ang diwata.
Sa pagsasama
ng dalawa nabuo ang kanilang pagmamahalan. Nalaman ito ng mga diyos. Isang
bagyo ang pinadala nito sa pamayanan nina Aniago. Marami ang namatay,
nakaligtas ang dalawa hanggang sa mailuwal ni Flor ang isang napakagandang sanggol
na babae. Tapos na ang bagyo noon at panahon na ng tagsibol. Pinangalanan nila
ang sanggol na Mai, na nangangahulugang Pagyabong.
Tanging sina
Aniago, Flor at ang babaylan lamang ang nakakalaam ng nangyari at ng totoong
katauhan ni Flor. Hindi na rin gaanong nagparamdam ang mga diyos matapos
maisilang ni Mai, kaya inakala ng mag-asawa na pinahintulutan na sila ng diyos
sa kanilang pag-ibig.
“Marahil,
sinisingil na nila tayo. Ngunit hindi dapat ang aking anak.” Pahayag ni Flor
matapos alalahanin ang mga nakalipas na pangyayari.
“Hindi ako
makapapayag na kunin nila sa atin ang ating anak. Tulad ng pangako ko noon
handa kong gawin lahat manatili lamang kayo sa aking piling.” Matapang na wika
naman ni Aniago.
Biglang
dumilim ang langit at sunod-sunod ang pagkulog at pagkidlat na nagbabadya ng
pag-ulan. Bigla ring lumakas ang hangin kaya tinawag na ng mag-asawa si Mai at
dali-daling umuwi sa kanilang tahanan.
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento
Salamat sa inyong pagkomento :)