PABLO
Mar Z. HolandaI
Saulo ang una niyang pangalan
Sa Tarso, lalawigan ng Cilicia siya'y isinilang
"Relehiyosong Terorista" ang bansag ng karamihan
Naging "Apostol sa Biyaya ng Diyos" kalaunan
II
Saksi ang kamusmusan sa kaniyang pananampalataya
Buhat sa mga magulang na sa utos ng ninuno'y tumatalima
Sa Paniniwalang Hudio siya'y may masigasig na paniniwala
Kung para sa kalooban ng Diyos, ang katapanga'y sintayog ng tala.
III
Isang abogado, miyembro ng pinakamataas na hukumang Hudio,
Naging tagausig ng mga Kristiyano
Dumadakip sa mga nakikinig ng ebanghelyo
Maging babae't lalaking kaanib sa Daan ng Panginoong Hesu-Kristo
IV
Sa kaniyang pagyaon patungo sa Damasco
Tangan ang pahintulot mula sa pinakapunong paring Hudio
Nakasisilaw na liwanag ang sa daan ay kumislap
Na nagdulot sa kaniyang agad na pagdaplak
V
Biglang nagsalita sa kaniya ang isang tinig:
"Saulo!, Saulo! bakit mo ako inuusig?"
Sa kaniyang pagtatanong tumugon ang tinig
"Ako si Hesus, ang iyong inuusig."
VI
Siya'y pinatayo ng tinig ng Panginoon
Noo'y sinabihan siyang sa bahay ni Hudas muna tumuloy
Ang kaniyang mga dapat gawi'y doon din sasabihing tuloy-tuloy
Kaya ang bulag na si Saulo'y inakay ng mga kasama't sa Damasco'y nagpatuloy
VII
Sa pamamagitan ni Ananias, na isinugo ni Bathala
Si Saulo'y napuspos ng Espiritu't, muling nakakita
Siya'y nagpabautismo't nagsimula nang magpala
Nangaral at nagpalaganap ng Mabuting Balita
VIII
Sa Arabia, Damasco, Jerusalem at iba pa,
Sa iba't ibang lupain "Si Hesus ang anak ng Diyos", kaniyang wika
Habang ginugugol sa Hentil ang panahon niya
Mula Saulo'y tinawag siyang Pablong kaaba-aba
IX
Walang duda
Si Pablo'y nagbalik-loob na
Si Hesus na dati'y kaniyang tinutuligsa
Sa kalooban ng Diyos'y nagpapahayag nang mga salita.
X
"Sapagkat para sa akin,
ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang"
"Hindi na ako ang nabubuhay ngayon
Kundi si Kristo na ang nabubuhay sa akin"
XI
Sa huling pahina ng kaniyang buhay
Nagsimula man siyang tila kandilang patay
Ang ningas naman nito'y hindi humumpay
Nang ang liwanag ni Hesus sa kaniya'y gumabay.
XI
"Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko...,
Ako ay mistulang isang handog sa templo...
Ang aking pakikipaglaban ay pinagbuti ko...
Ang mga dapat na takbuhin ay natapos ko...
At sa tapat na pananampalataya'y nanatili ako"
XII
"Kaya naghihintay ako ng koronang gantimpala
Para sa mga namuhay ayon sa kaloob ni Bathala
Siya ang magpuputong sa akin ng koronang biyaya
Maging sa lahat ng naghihintay sa Kaniya sa dambana."
XIII
Wala man sa mga tala kung paano siya humimlay
Sa kaniyang mga salita siya'y binubuhay
Apostol na tanyag, kababaang-loob ay taglay
Haligi ng Simbahang tatatak habambuhay.
Inilimbag noong 28 Hunyo 2020
Ni Mar Z. Holanda
https://sites.google.com/view/marlikhain/home/pablo?authuser=0
San Pablo Apostol ipanalangin mo kami
San Pablo Apostol Ipanalangin Mo Po Kami